Sunday, September 25, 2005

sundays are for fiction: [salamat po, doktor]

[Salamat Po, Doktor]


“Ringggg . . . ringgg !!!!!”

“Ringgg . . ringg!!!”

Tingin muna ako sa orasan. Alas singko y media.

“Putang ina. Sino ba naman ang tatawag ng ganitong kaaga?”

Kinuha ang telepono, inangat ang awditibo.

“Hello?”

“Hello, anak!”

Napatigil ng sandali.

“Ang nanay ‘to,” sabi ng boses sa kabilang linya.

At natauhan din ako. Biglang napalundag sa kama.

“Inay!!!” ang sigaw ko naman.

“O, kumusta na diyan?

Kumusta ka na? Ang kapatid mo? Binabantayan mo ba ng mabuti? May pera pa ba kayo? Baka nangangayayat ka na diyan? Ano na namang ‘yang mga rally-rally na nababasa ko sa diyaryo? Anong impeach-impeach? Aba, baka sumasali ka sa rally, ha? Delikado yan ineng. ”

Napa-opo na lamang ako sa mga tanong niya.

Mag-aanim na buwan na rin mula pag-alis ni inay patungong States upang magtrabaho bilang nurse. Nawala kasi si itay ng maaga. At ngayong gagradweyt na ako mula sa kolehiyo na may digri sa Biolohiya nangagailangan kami ng malaking pera. Inaasahan kasi nila akong tumuloy sa medisina. Ewan ko nga ba.

“’Neng, ano ‘tong nasulat mo sa akin tungkol sa di mo pag-aplay sa medisina? Anong ibig sabihin mong di ka nag-aplay?”

Di ako umimik, kaya nagpatuloy sa pagtatanong si inay.

“Sa PGH ba kamo? O sa UST? Aba, dapat mag-aplay ka na. Kelan ba ang deadline ng aplikasyon?”

“Kahapon po, inay.”

“Kahapon?”

“Kahapon po. Yung PGH.”

“Susmaryosep! Anong kahapon? Tapos hindi ka nag-aplay? Gaga ka ba? Anong gusto mong gawin sa buhay mo? Ay anak, hindi nakakatawang biro ‘to, ha.”

Tahimik lang ako.

“Eh, yung sa UST?” patuloy pa rin ang pagtatanong ni inay.

“Bukas po yung deadline.”

“Hindi ka rin nag-aplay?”

“Hindi po.”

“Eh, susmaryosep na bata ‘to. Ano bang pumasok sa isip mo at di ka nag-aplay? Mag-aaplay ka lang naman. Tatanggapin ka naman doon.”

“Unhh . . .” napaungol ako.

“Oo naman. Tatanggapin ka doon, dahil magaling ka. ‘Ne, magaling ka. Kailangan mo lamang mag-aplay.”

Ang kulit nga naman ng matanda.

“Tapos na nga po kasi ang deadline.”

“Eh, bakit nga . . . Ano bang gusto mong gawin sa buhay mo, ha? Magbabad na lamang diyan sa bahay? Akala ko ba’y gusto mong mag-doktor. Ano bang gusto mo gawin, ha?

“Ewan po.”

“Ewan-ewan. Susmaryosep.” Nakakatawa na ang kunsumisyon ng matanda. Nagpipigil lamang ako. At kung hindi lang kinabukasan ko ang pinag-uusapan namin ay talagang tatawa na ako.

“Hindi ko po kasi alam ang gusto kong gawin.”

“Naku naman itong anak ko,” biro ni inay. Akala ko tuloy ay makikinig siya, sa halip siya ay nagpatuloy. “Ay, siya, siya mag-aplay ka na ha. Gawin mo na kung anong gusto mo.”

Tumigil siya sandali. At nag-umpisa akong magpaliwanag.

“Kasi inay, hindi ko naman po . . .”

“Ano iyan?” daglian putol nito sa sasabihin.

“Inay, gusto ko po sanang . . .”

“Ay, anak. Naku! Sige na, matagal na rin tayo sa telepono. Malaki na rin ang babayaran ko. Siya, mag-ingat kayo ha. Sabihin mo sa kapatid mo magpakabait siya. Basta anak, gawin mo lang ang gusto mo. Mag-aplay ka na. Mahal ka ng inay.”

“Opo.” At binaba na rin niya ang telepono.

Tatlumpong minuto na ang nakalipas hindi pa rin ako gumagalaw mula sa pagkaupo ko sa kama. Kung ano daw ang gusto ko. Basta lang mag-aplay ako. Hindi ko yata naunawaan yon. Hindi malinaw. Magulo.

Kung ano daw ang gusto ko.

Napatungo na lamang ako at natahimik. Mayamaya’y napabuntunghininga. Tumayo ako at pumuntang banyo.

Naghilamos, nagsipilyo. Nag-ayos ng buhok.

Pagkatapos tumayo ako sa harap ng salamin, nagpakatikas ng tindig, nag-akmang may tangan na stethoscope sa kaliwang kamay, samantalang ang kanan naman ay nakaangat at nakikipagkamay sa imahinaryong kausap.

Nginitian ko ang sarili ko sa salamin. Isang magandang ngiti. Masayang ngiti. Ngiti na ibibigay ko sa mga pasyente ko kasabay ang pagsabi ng “walang anuman.”

“Walang anuman,” ang siyang ibibigay ko na kasagutan sa kanilang mga “Salamat po, doktor.”

[December 1, 2000. Friday]


0 Comments:

Post a Comment

<< Home