Sunday, October 02, 2005

sundays are for fiction: [alas onse y media sa mcdo]

Alas Onse Y Media sa McDo

"Ate, barya lang po."

"Kuya, sige na. Pang-kain lang po."

* * *

Ang ihip ng hangin sa labas ay nakakapanindig-balahibo. Sa ibabaw ng hagibis ng mga sasakyan sa kalye ay maririnig pa rin ang patuloy na pag-ungol ng mga bata. Mayroong nakaupo lamang sa tabi ng kalsada at mayroon din naman kahit na yapak ay habol-habol pa rin ang bawat taong nagdaraan.

Humihingi ng limos. Nagbebenta ng sampaguita. Nangungulit. Malalim na ang gabi. Ang mga batang silang sa maykayang pamilya ay may ilang oras na ring nananaginip. Ngunit hindi sila. Ngayon, tulad ng karaniwang araw ay hanggang hatinggabi silang nakabalandra sa lansangan.

May mga mababait na lumalabas mula sa magkakahilerang kainan tangan ang mga tirang pagkain upang ibigay sa mga bata. Mayroon din namang kulang na lamang ay itulak at isubsob sa semento ang bawat makasalubong. May mga suki na araw-araw bumibili ng sampaguita mula sa mga bata. Mayroon ding ilang metro pa ang layo ay umiiwas na sa mga sumasalubong na bata.

Sa loob ng McDo ay nagbukas ako ng isang peketeng ketchup at pinahid ang isang french fry sa mapulang likidong tumutulo mula sa pinagbuksan. Masarap ang french fries, mainit. Sumagi ang kamay ko sa plastik na baso ng Coke at ito'y kinuha. Ilang lagok pa lamang ay naramdaman ko nang dumadaloy ang malamig na inumin sa aking bibig papuntang lalamunan hanggang sa tiyan na walang laman. Naaamoy ko na rin ang hamburger at napapatakam ako. Unang kagat na sana kung hindi kumatok ang mga bata sa bintana malapit sa aking kinauupuan.

Nakakaawa ang mga itsura nila. Lamlam na mga mata, mga pisnging walang laman. Gusgusin. Marumi't butas-butas ang mga damit.

"Ang lamig sa labas, hindi ba sila giniginaw?"

Pumikit na lamang ako at kumagat sa hamburger.


[November 27, 2000. Monday]




0 Comments:

Post a Comment

<< Home